These are the text only pages from A Story To Share.Com, true stories of heartache and love. If you have been referred here by a search engine then click at the very bottom of the page to read hundreds of true stories of heartache and love.



      Teddy Bear

     


Teddy Bear



Nakilala ko siya sa kalagitnaan ng aking pag-aaral. Ako’y kumukuha ng kursong BSED at nasa ikatlong taon na noon. Inaamin ko sa aking sarili na hindi siya ang lalaking pinangarap ko. Subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nabihag at naakit sa kanya ang bata kong puso.

Sa loob nang 19 na taon, iisa pa lamang ang lalaking dumaan sa aking buhay na naging nobyo ko. Isang pag-ibig na inakala kong magiging akin balang araw at ito na marahil ang dahilan kaya’t hindi pa rin ako makapagpatuloy at matutong humanga’t mahulog sa iba. Marahil umaasa pa rin ang nananabik kong puso na babalik pa siya dahil sa dinami rami ng nanligaw sa akin, ni isa sa kanila’y wala akong sinagot.

Sa paglipat ko ng apartment ay doon ko nakilala ang lalaking magpapaiba ng kahulugan ng pag-ibig. Naatasan siyang mamahala nito ng isang matalik ring kaibigan. Mataas ang tingin ko sa kanya at kung igalang ko siya’y tila isang guro ko na rin sa unibersidad. Ito’y sa kadahilanang 22 taong gulang ang agwat ng aming edad. Ito nga ang inakala kong hahadlang sa amin.

Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakatanggap ako ng mensahe. Wala namang kakaiba subalit nagmistulang matalik na magkaibigan kami sa paraan ng aming pagkukwentuhan. Dumaan pa ang mga araw at hindi ko na namamalayang tila hinahanap na siya ng aking puso. “Nahuhulog na ba ako sa kanya?”, bigla ko na lang naitanong sa aking sarili nang mahuli ko itong nakangiti habang binabasa ang kanyang mensahe. Napakatamis ng mga nilalaman nito na ngayon ko lamang natanggap maski ang dati kong bf ay hindi nagagawa. Gumagaan din ang aking pakiramdam sa tuwing binabasa ang mga ito gabi-gabi na kahit tuldok ay memoryadong memoryado ko na yata.

“Hindi ako mahuhulog sa kanya May”, sabi ko sa matalik kong kaibigan habang magiliw kong isinalaysay sa kanya ang tungkol sa aming dalawa.

Ngunit sa kaibuturan ng aking puso’y alam kong malabong hindi niya ako mabihag. Sa bawat araw na dumadaan ay unti unti akong nananabik sa kanyang mensahe at tawag. Marahil ay nasambit ko lamang iyon dahil hindi ko pa matanggap ang malaking agwat sa aming edad.

Doon ko laamng napatunayan ang katotohanan sa likod ng kasabihang “Age Doesn’t Matter”. Makalipas ang limang buwan ng panliligaw ay nahulog ako sa kanyang patibong. Naranasan kong muli ang tamis ng pagmamahal at ang kaligayahan nito. Sa napakatagal na panahong ako’y nanahimik tila kay dami kong leksyon sa pag-ibig ang natutunan at inaasahang isang bagong AKO ngayon ang magmamahal sa kanya.

Sa kabila ng pagkukutya sa akin at pagtawa ng ibang tao ng patago pag magkasama kami ay kinaya ko iyon. Kahit pa isipin nila na habol ko lamang ay pera niya’y wala akong pakialam. Masakit man itong isipin ay kinaya ko at itinatak sa aking isip na hindi nila alam ang buong istorya kaya’t walang karapatan ang sinuman na husgahan ako. Maging ang ilang kasamahan ko sa apartment ay nalaman ang tungkol sa amin, ngunit bawat sabihin nila’y pilit ko lamang nilulunok. Basta’t ang alam ko’y wala akong taong sinasagasaan at masaya ako sa aking naging desisyon.

Lumipas ang maraming buwan at ilang sandal pa’y magtatapos na ako ng kolehiyo. Masaya akong aabutin ang aking diploma dahil kasama ko siya sa pag-abot nito at hindi niya kailan man ninakaw ang oras ko sa aking pag-aaral at palaging ngapapaalala sa akin sa kahalagahan ng edukasyon. Alam kong napakalayo rin namin sa estado ng pamumuhay dahil ang kanyang mga magulang ay nandoon na sa ibang bansa naninirahan samantalang ako’y tipid na tipid sa perang ipinapadala sa akin. Sa kabila ng lahat ay buong puso niya akong tinanggap.

Masakit mang isipin na hindi ko pa siya naipakikila sa aking pamilya kahit tapos na ako sa pag-aaral ay naintindihan naman niya iyon. Dumaan pa ang maraming okasyon sa aming buhay at mas tumindi pa ang aking pagmamahal sa kanya at ramdam kong ganoon din siya sa akin. Kung anu anong magagandang bagay o sorpresa ang kanyang ginagawa para sa akin na ni minsan ay hindi ko inakalang totoo pala. Isa pang kahanga hanga sa kanya ay napaka romantiko at magalang sa babae na sa panahong ito’y mahirap nang mahanap. Minsan pa nga ay binigyan niya ako ng isang heganteng “teddy bear” na tinawag niyang si Magz na pinadala pa ng kanyang ina. Ito ang itinuring naming anak at yakap yakap sa gabi sa aking pagtulog.

Siya na nga ang pakakasalan ko balang araw. Ito ang nasa isip ko habang papasok sa paaralan at pinaplano ang pagsorpresa sa kanya para sa aming ika-7 anibersaryo nang pagiging magkasintahan. Hindi na rin ako tumanggap ng iba pang manliligaw o makuhang tumingin sa iba. Ang lahat na yata ng katangian ng isang lalaki ay nasa kanya na.

Pagkatapos at pagkatapos ko ng huling leksyon ay dali-dali akong pumunta sa kanila bitbit ang paborito niyang cake. Puno ng kaligayahan at ang mga ngiti ko. Walang kasing tamis gaya ng chocolate ice cream na aking bitbit. Hindi niya maiisip na gagawin ko iyon dahil palagi niya akong nauunahan. Malayo pa lamang ako’y kitang kita ko na ang gate ng kanilang bahay at habang papalapit ako dito’y lalong tumatamis pati ang aking paghakbang.

“Erik?”

Ang puno ng pag-ibig kong nararamdaman bago pa lamang umabot sa tapat ng kanilang bahay ay nabalot ng panginginig. Ang mga tao sa kanila’y nag-iyakan at hindi makuhang ipaliwanag sa akin ang tunay na nangyayari. Maging ang kanyang ama’t ina na kararating lang mula abroad para sa aming kasal ay nakatunganga at tahimik sa isang sulok. At kahit hindi ko maintindihan ang sarili at nabasa ng luha ang aking dala-dala.

Ilang minuto pa ay nakita ko nalang ang aking sarili sa isang salamin. Nakasuot ng isang gown habang nakaupo sa tabi ng isang taong halos walang malay at nakakabitan ng maraming tubo. Walang kahit isang salita ang namutawi sa aking bibig habang kanlong kanlong ko sa aking mga kamay ang mga palad niyang tila walang lakas at doon ko namalayang nasa loob ako ng ICU sa isang ospital. Matagal ko nang alam na may sakit siya sa puso datapwat hindi kalian man sumagi sa aking isip na hahantong sa ganito ang kanyang sitwasyon dahil sa nakikita ko’y ang lakas lakas pa niya at walang bahid ng kung anong karamdaman.

“Hon”, halos durugin ako nang makita kong paano sinisikap ng aking mahal na magsalita sa kabila ng malaking tubong nasa kanyang bibig. Wala akong masambit at luha pa rin ang aking naisagot kahit na alam kong dapat maging matatag ako alang alang sa kanya.

“Sorry kung hindi ko maibibigay sa iyo ang kasal na pinangarap mo. Sorry kung hindi ko matutupad ang pangako ko sa iyo na habang buhay tayong magsasama. Hindi ko ginusto na mangyari ito sa akin ngunit ito ang plano ng Maykapal. Kapag nawala na ako huwag ka sanang makalimot magmahal muli tulad noong unang pagkakataong nabigo ka sa pag-ibig. Bata ka pa, maganda at matalino, kaya’t alam ko na marami ka pang lalaking mas hihigit sa akin. Sana sa mga araw na nakasama kita, naging masaya ka. Diyos na lamang ang bahalang pagtagpuin tayo sa ikalawang buhay at kung mangyari man iyon, asahan mong ikaw pa rin ang mamahalin ko at doon tayo magpapakasal sa harap Niya. I love you more than eternity hon”.

Wala na nga akong nagawa upang tapalan ang lumalaking butas sa puso ni Erik na hindi kinayang tapalan ng pagmamahal ko. Isang taon na mula nang siya’y kunin sa akin at isang taon na rin na paulit ulit kong binabasa ang huling sulat niya bago siya mawala. Matagal na panahon na rin nang iwan niya sa akin ang sulat datapwat parehong emosyon pa rin ang inilalabas ng aking puso. Hanggang nagyo’y hindi ko pa rin mapigil ang pagluha habang niyayakap si Magz at ang mga alaalang kalakip nito.

Ganito nga siguro ang tadhana namin. Hindi man kami para sa isa’t isa’y habang buhay kong babaunin ang kanyang pagmamahal at ang pagmamahal ng Diyos na nagtagpo sa amin. Tatlong taon na ang nakalipas. Natanggap na marahil na lahat ang nakaraan at ako’y nagsisimula na namang ngumiti habang naghihintay sa seremonya ng aking kasal na mag-umpisa. Ito na nga marahil ang taong binigyan ni Erik ng senyales upang paibigin akong muli. Sa taong malapit sa kanyang puso ako ikakasal.



-30-

back

        | report story |
| comment on story |






| Love Stories | Heartache Stories | Love Quotes | Story Archive | Send Story | Message Board | Webmasters | Contact/About | Text Only | SiteMap

| Add to Yahoo | Add to Google | Add to MSN | rss feed | add to google toolbar Add Newstories to Google Toolbar |



© astorytoshare.com